Ang liham ni matyas - Learning Lessons

Breaking

Tuesday, May 24, 2022

Ang liham ni matyas

-Paalala-
-Patnubay ng magulang ang kailangan-
-Ang artikulong ito ay maaaring naglalaman ng mga sensitibong salita na maaaring di maunawaan ng isipang bata- 
- Ang anumang pangyayari o mga bagay bagay na nakasaad ay walang pinatatamaan o tinutukoy na sinuman at ang bawat nakasaad sa akdang ito ay pawang imahinasyon lamang ng aking mapaglarong isipan at ito ay walang katotohanan -
_____________________________________

Ako ay si matyas isang matuwid at tapat na tao. Ngunit sa kaibigan ay nagtiwala ako. Sa aking pagtitiwala ako ay nadala, ngunit ako man ay magsisi wala na akong magagawa.

Ako ay nakulong sa salang hindi ko ginawa. Sa mahabang panahon ay naiwan aking mga anak at asawang tunay na kaawaawa.

O Kay sakit isiping lumaki ang aking mga supling na hindi ko naalagaan at hindi ko nakapiling. Sa mga payo ng aking esposa ako ay di tumalima, kaya naman ako ngaun sa kulungan ay nagdurusa.

O Kay sarap ng buhay noong ako ay malaya, simple lang ang buhay at sa asawa tumatalima. Simple mang pagkain ang aming ihain sa aming hapag kainan, ito'y aming masayang pagsasaluhang kainin.

Ngunit ang mga bagay sa buhay ko ay nagbago, nang dumating ang araw na mabarkada ako. Ako ay kanilang pinayuhan at laging kinakantsyawan na wag magpailalim sa aking asawa dahil sya ay babae lamang. Kay raming babaeng makita sa daan, hindi ka bubulyawan o di kaya'y pagsasabihan man lamang. Kaya naman nga ako ay nahumaling sa mga salita ng barkada ko sa akin. Aking pinabayaan ang aking katungkulan, sa aking asawa at sa anak ay gayun din naman. Ako nga ay tinuruang tunay ng aking mga huwad na katoto, ng mga libangan at ng kung ano - ano pang mga bisyo. Kabulastugan, katarantaduhan, magsugal, uminom, magnakaw at makipaglandian ito ang aking natutunan at lalo pang pinagbutihan upang ako nga ay hindi makantsawan ng mga tinuring kong mga kaibigan.

Aking hindi napuna ako pala ay nahibang na, sa mga gawang buktot at mga pagkakasala. Mas ninais ko pang tunay na makisama sa barkada, kaysa sa asawa at mga anak kong aba. Aking mga responsibilidad akin ngang napabayaan, aking asawa at mga anak nagdusa, nagutom, at naghirap. Samantalang ako ay laging nagpapakasarap sa kandungan ng akala ko'y anghel, mga diyablo pala. 

Hanggang sa dumating ang isang pangyayari, na sa buhay ko ay nagbago at sumira sa aking pagkatao. Isang gabing kami ng aking mga barkada ay nag - iinuman at nagpapakasaya, kami nga ay naubusan ng alak at pulutan pa, kung kaya naman kalokohan ang sa isip ay lumutang. 

Ako ay hinikayat ng aking mga huwad na kaibigan. Sa isang madilim na eskinita sa isang lansangan. At doon ay nag - abang ng aming tatambangan, upang makakuha ng pambili ng alak at pulutan. Anong gulat ko ng sa aking batok ay may pumukpok, ako'y agad nawalan ng malay at agad nakatulog. 

Nang ako ay gumising, aking laking pagtataka, sapagkat sa piitan ako ay nasa loob na. Ako ay nahatulan sa salang di ko naman kagagawan. Ni hindi ko nga ito nasaksihan.

Ako nga raw ay pumatay ng isang matandang mayaman, kaya naman marapat lang na ako ay parusahan. Ako nga ay pinakitaan ng mga larawan, na ang aking mga kamay ay may patalim na tangan-tangan. Ang aking mga kamay, pati na ang mga braso, puno ng dugo, bagay na di ko alam at matuto kung paano. 

Anong aking gagawin? Sa akin ay walang maniwala. Na hindi naman ako ang may gawa ng sala. Ang sabi nila sa akin sapagkat ako ay lasing, kaya walang ala-alang naiwan sa akin.

Kaya naman bago ako hatulan bukas ng sintensyang kamatayan, ako ay lumiham sa aking mga maiiwan. Upang aking ihingi ng paumanhin ang mga ano mang bagay na aking nagawang mali. 

Ang liham kong ito ay para sa aking pamilya na aking lubos na napabayaan at ngaun ay maiiwan. Upang humingi ng tawad at saka magpaalam.

Minabuti kong manahimik at tanggapin ng maluwag ang kapalarang sa akin ay itinakda sapagkat hindi ito magaganap kung hindi ako nagsawalang bahala. 

Sa loob ng 26 na taon na ako ay nakulong, ni hindi lumaban o tumanggi sa mga bagay na sa akin ay ibinintang. Sapagkat sa akin ay walang naniniwala, ngunit ang katotohanan ang tunay na may sala ay sadyang malaya. 

Sa aking mahal na esposa, 

Inaamin ko sayo mahal kong asawa, na ako ay nagkasala at labis na naging pabaya. Aking mga katungkulan sa iyo ay hindi inintindi nga. Kaya naman ngaun ako ay labis na nasasaktan, Oo mahal ko, ako ay nasasaktan na aking makita ang aba mong kalagayan. Ang mahal kong esposa ay kaawa-awa, inalipusta, tinapakan iyong karangalan. Ikaw ay ginawang katuwaan ng ating lipunan at ikaw ay walang magawa at walang kalaban laban. Kung ako lamang ay nakinig sa mga iyong payo disinsanay nariyan pa ako sa piling mo. Nagmamahal at kumakalinga at sa iyo'y pumoprotekta at hindi gaya nito na wala akong magawa kahit makita kang labis na nagdurusa.
Pinilit mong kayaning mag-isa ang mga responsibilidad na dapat ay pinagsasaluhan nating dalawa, pinilit mong kinaya bawat mong pagdurusa. Patawarin mo ako oh aking esposa, sapagkat iniwan ko ang puso mong may pighati at mga pagdurusa. Akin mang buhay ay hanggang dito na lamang, iyo sanang tandaan na ikaw ang aking kayamanan. Ang iyong kagandahan ay walang katapusan pinupuri ko ang iyong katatagan. Patawarin mo ako oh aking mahal na reyna, kung di kita naalagaan o naproteksyonan at ikaw ay labis kong napabayaan. Ngunit aking nais na ipaalam sa iyo na taos sa puso ko ang pag-ibig ko sayo, at ang pag-big na ito ay hindi na magbabago mawala man bukas ang abang buhay ko.

Sa aking mga anak na hindi ko nasubaybayan sa paglaki, 

Ako ay humihingi ng iyong paumanhin. Sapagkat ang iyong Ama ay naging isang tanga, iniwan ang pamilya at sa barkada sumama. Ang tanging bilin ko at ako ay sumasamo, aking mga minamahal na anak magmahalan kayo. Wag nyo ngang pairalin ang mga inggitan sa bawat isa sa inyong tahanan. Wag ninyong saktan ang isat-isa, sapagkat ang bawat laman at dugo pati buto nyo pa, ito ay iisa ang pinanggalingan, ang katawan ng inyong ina sa loob ng kanyang sinapupunan doon kayo nabuo at nanahan. Kaya naman kung kayo ay nagkakasakitan, inyo ring sinasaktan ang sa inyong inang katawan. Gampanan ninyo ang tungkuling sa inyo nakaatang at wag pakialaman ang sa kapatid mong katungkulan. Hayaan ninyong maabot ng bawat isa sa inyo, ang kapalarang itinakda ng mahal na Ama ko. Wag kayong tumulad sa akin na nanalig sa sanlibutan, ang pamilya ay iniwan at sa barkada ay nahibang. Kung ayaw nyong naisin ang madilim na kapalaran, ngaun palang ay magsikap at wag magbangayan. Magbigay kayo ng tulong sa bawat isa kung kinakailangan at kung hindi kailangan ay wag mong ipagpilitan. Hayaang malaman ang kakayahan ng bawat isa ngunit laging magmatyag kung kailangan na ng tulong talaga. Ang inyong mga anak ay turuan ng wasto, upang sa lipunan ay di maging sakit ng ulo. Wag ibigay ang mga maling layaw, sapagkat ito ay pamimihasahan kahit walang katuwiran. Huwag ninyong saktan ang kanilang katawan, upang sila ay maging matuwid lamang. Sapagkat walang mararating ang paghampas o pananakit ng katawan, sapagkat walang matatandaan ang bata kundi sakit lamang. Inyo ngang kausapin ng mabanayad at malalim, ang iyong anak sa madla ay ilayo rin. Kung iyong pagagalitan sa loob lamang ng tahanan o sa isang lugar na walang nakakasaksi o nakakarinig ng iyong usapan. Sapagkat ang bata ay marunong mahiya kahit pa nga sabihin na sila ay bata. Kapag sila ay napahiya sa kapwa nila bata, sila ay magdaramdam at baka magrebelde nga. Kung ikaw naman ay ayaw pakinggan ng iyong anak na di mo mapigilan. Hayaan mong gawin ang kabuktutang nais nya at hayaan mo na danasin nya ang bunga ng mali nyang gawa at malaman nya ang aral sa kanyang pagkukusa. Hindi nga nya malalaman ang magiging kahihinatnan ng bunga ng katigasan ng ulo kung hindi mo hahayaan na magkaroon ng karanasan. At pag siya ay umuwi at sayo ay magbalik ng kusa, yakapin ng mahigpit salubungin ng yakap at halik. Wag mo nang isay-say bawat maling kanyang nagawa, sapagkat alam nya ang kanyang pagkakamali sapagkat mayroon syang sariling pang-unawa. Lagi ninyong tatandaan ang salita ay higit na may kakayahang magtuwid sapagkat ito ay pumapasok sa isip at nananahan sa dibdib. Kaysa sinturon na pamalo na sakit lamang ang hatid. Ang bawat salita na sa labi ay namumutawi, sa tenga dadaan papasok sa isip, patuloy nanamnamin ng kanyang kaisipan, hanggang maliwanagan at makaabot sa puso din naman. Ang bawat mga aral na ibibigay mo sa iyong anak ay sigiraduhing husto, upang di nga maligaw ng landas ang kanyang pagkatao. Sapagkat hindi habang buhay na sya ay kapiling mo. Ang bawat sakit na dulot ng sinturon, sa puso agad ang tungo at ang isip ay di tinutunton, ang batang napalo ay nagdaramdam, hindi lang ang katawan pati ang buong katauhan. Magiging masama ang tingin nya sa kanyang kapwa gayun din sa sarili at sa lahat ng bagay na nga. Di na nya maiisip o mauunawaan ang iyong nais na ipahatid na aral, sapagkat sakit ng katawan ang dinaramdam. Ngunit pag nawala na ang sakit ng iyong pamamalo sa kanya, lahat ng sinabi mong aral ay malilimot na, sapagkat wala na ang sakit na nagpapaalala sa mga kamalian na mga nagawa nya. Ang salita na iyong binitawan kung sya ay iyong pinaliwanagan at hindi sinaktan, habang buhay mananatili sa kanyang isipan at sa puso ay laging pag-aaralan.

Ito ang aking binibilin sa inyo, mawala man ako ay magmahalan kayo. Sapagkat walang sandata na makakatalo, sa pag-ibig sa puso ng bawat mga tao. Kung may pagmamahalan ay may pag-uunawaan, may roong bigayan at mayroon ding kapayapaan sa buhay ng bawat isang nilalang.

Inyo nawang alalahanin ang aking kabutihan at iyong tandaan mga aral na makikita sa aking mga kamalian. Ang lahat nga ng bagay ay may dahilan, kaya wag mong gawan ng dahilan ang kasamaan na ikaw ay pasukin at siraing lubusan. Ang iyong kapalaran ay sa iyong kamay nakasalalay, kaya mag-ingat sa bawat hakbang na iyong gagawin sa iyong buhay. Sapagkat kung ano nga ang iyong itinanim ay siyang tiyak mo ring aanihin. Kaya ikaw ay magtanim ng may bungang taimtim. 

Kaya naman ang akin lamang maipapayo, sa mga taong palalo na isang katulad ko. Ngaun pa lamang ikaw ay magbago, upang hindi mo sapitin ang tulad ng sinapit ko. Na pagdurusa sa mga bagay na bunga ng aking pagkatarantado.

Ikaw ay lumakad ng may matuwid na landas, iyong isaalang-alang ang bilin ng mga pantas. Iyong gawing liwanag sa madilim na landas, ay ang liwanag ng ilaw na dala ng aral ng ating Ama sa itaas. Sa diyos nagmula ang lahat ng mga bagay, kung kaya sa diyos lamang natin dapat ilaan ang ating mga buhay. Iyong ibuhos ang iyong tiwala sa ating Ama sa langit, sa kanya lamang tumalima. At hindi sa barkada at mga taong palalo, sapagkat sa bandang huli ay iiwan ka nito. Iyo ngang malalaman ang iyong tunay na kaibigan, kung sa landas ng liwanag ang nais nya sayong pagdalhan.

Hanggang dito na lamang ang aking liham, at ang aking buhay ay hanggang bukas na rin lamang. Nais kong magpasalamat bago ako lumisan, ako ay may kahilingan. Nawa ang aking buhay ay inyong matandaan. At magsilbing aral sa bawat tao na aking minamahal.

-Wakas-

-Kung nais mong makilala ang nasa likod ng akdang ito ay maaari kang magsadya sa link na ito : Learn World Lessons -

-Maraming salamat at sumainyo ang pagpapala ng maykapal-

No comments:

Post a Comment

Yesterday

Yesterday is a past, I put it all in the dust Yesterday is just like that  And now I'm not like that  Yesterday is my mistake  Now yeste...