Ang taong gahaman - Learning Lessons

Breaking

Tuesday, May 24, 2022

Ang taong gahaman

-Paalala-
-Patnubay ng magulang ang kailangan-
-Ang artikulong ito ay maaaring naglalaman ng mga sensitibong salita na maaaring di maunawaan ng isipang bata- 
-Ang anumang pangyayari o mga bagay bagay na nakasaad ay walang pinatatamaang sinuman ito ay isinulat lamang para makadagdag kaalaman at hindi upang makipagdebate o makipag argumento-
_____________________________________

Ang taong gahaman ay walang kasiyahan, wala syang ibang nais kundi ang lahat ng bagay ay makamit. Lahat na kanyang naisin ay kaniyang kukuhain, kahit ito man ay hindi kakailanganin.

Walang ibang nakikita kundi ang biyaya ng iba. Walang hangad na mangyari kundi ito'y mapasakanya. Wala syang pakialam kung ang kanyang biyaya ay umaapaw at ang sa kanyang kapwa ay kapus pa. Basta't ang mahalaga ito ay mapasakanya, walang pakialam kung ano ang mangyari sa iba.

Di sya kuntento kung ano pa man ang ibibigay mo, sapagkat di nya nais na tunay na may matira sayo. Di ka maaari na walang salapi, sapagkat galit ang sayo ay isasalubong imbes na mga ngiti. 

Kung siya ay bihisan mo, ikaw ay kanyang huhubaran. Kung siya naman ay pakainin mo ikaw ang kaniyang uubusan at hindi iiwanan ng makakain. Kung siya naman ay iyong patuluyin sa iyong tahanan, mag - ingat ka at baka ikaw ang sa iyong bahay ay lumisan. Ang tahanan mong tahimik at labis ang saya, pag kanyang napasok ay magugulo ka.

Ano mang mahalaga sayo ay nais nyang makuha. At Kung ito'y di nya magawa na makuha, tunay na tunay na ito'y sisirain nya. Sapagkat ingit ang sa kanya ay nananaig, kaya naman walang bagay na hindi nais makamit. Iyong matyagan ang iyong kabuhayan, sapagkat paparating na ang taong gahaman. 

Wag mong sasabihing sya pa ay magbabago, sapagkat ang kanyang katrayduran ay said hanggang buto.

Pag ikaw ay nalingat ang lahat na ay sinisikwat. Kaya ang gamit mo ay wag pakalat - kalat.

Pag ikaw ay nagalit, ikaw ay kanyang tinitikis. Wag mong sasabihin na sya ay may kamalian, sapagkat ikaw ay di nya paniniwalaan. Bagkus sya pa nga ay mag - iimbento ng kung anu - anong salita at mga kwento - kwento.

Sa bawat iyong salita ay mag - ingat kang lubos, sapagkat walang bagay ang di nya natutuos. Ang lahat ng bagay sa kanya ay may halaga, kahit ang kaunting sentimo at ang lumang barya.

Sa iyong pananaw sa buhay ay wag kang ngang sa kanya ay makipagtalo, sapagkat kailanman sa kanya ay di ka mananalo. 

Ang taong gahaman ay hindi umaamin, sa ano mang kasalanan na kanyang gagawin. Ang lahat ng kanyang lakad ay sadyang baluktot at ang kanyang pananaw sa buhay ay masahol pa sa salot.

Wag mong ipapakita kung ano ang mayroon ka, sapagkat di sya titigil hanggat di yan nakukuha. Sa pag - gising sa umaga nasa isip na ang nasa, at sa gabi nga ay di magawang makatulog pa. Paano matutulog ang kanyang diwa at mata? Kung ang lamang ng isip ay ang mga bagay na mayroon ka. Lahat ng kanyang makita ay kaniyang ninanais, kahit na ito man ay hindi kanais - nais.

Marami na ngang biyaya ay nagrereklamo pa. Puro pamimintas sa ugali ng iba, ngunit di nya makita ugali nyang nakakasuka.

Kung sya ay titigan mo akala mo kung sino, lahat na ay isasaysay sayo ikaw lamang ay magkweto. 

Ikaw ay kanyang bibigyan ng kaunting biyaya, ngunit ang kabayaran na iyong ibibigay ay walang katapusan. 

May laman na nga ang kaniyang pinggan ngunit ang ibang pinggan pa ang tinititigan. May sarili namang biyaya ngunit hangad pa ang sa ibang biyaya at yaman. 

Ang lahat ng nasa paligid ay tinitingnan sapagkat ang hinahanap kung ano ang maaangkin nanaman. At ang lahat ng kanyang matitigan ay kanyang pinagnanasahan.

Wag mong susubukan na siya ay iyong taasan, sapagkat sa lahat ng tao ikaw ay kanyang sisiraan at kanyang ipapairal ang baluktot nyang katwiran. 

Ang bawat biyaya sa kanya ay di sumasapat, sapagkat sisidlan nya ay isang buslong butas. 

Ang kanya ngang isipan ay kay hirap na matalastas, sapagkat ang kaniyang nais ang lahat ng tao ay maging malas. 

Ano ang mapapala ng baluktot mong gawa? Hindi mo naman matatangay ang iyong yaman sa lupa. Isinilang tayong hubad at walang kahit anong dala, tayo rin ay mamamatay at kahit ang ating katawan ay iiwan pa. 

Ang lubos mong pagpapala at mga biyaya, ni hindi maipamahagi sa tunay na dukha. Magbibigay ka lamang kung ikaw ay pagsisilbihan, ngunit pag ikaw ay iniwan ay walang humpay mong susumbatan.

Sa taong gahaman ay walang paliwanag na malinaw, sapagkat walang malinaw kundi ang kanyang nais maagaw.

 Kaya kung nais mo na ikaw ay manalo, itahimik ang bibig mo at sa kanya ay wag makipagtalo. Lumakad kang taglay ang iyong pag - asa, na ikaw ay hindi pinapabayaan ng ating poong Ama.

-wakas-

-Kung nais mong makilala ang nasa likod ng akdang ito ay maaari kang magsadya sa link na ito : Learn World Lessons -

Maraming salamat at sumainyo ang pagpapala ng maykapal


No comments:

Post a Comment

Yesterday

Yesterday is a past, I put it all in the dust Yesterday is just like that  And now I'm not like that  Yesterday is my mistake  Now yeste...