Kailan sasapat ang kulang? - Learning Lessons

Breaking

Thursday, September 16, 2021

Kailan sasapat ang kulang?


-Paalala-
-Patnubay ng magulang ang kailangan-
-Ang artikulong ito ay maaaring naglalaman ng mga sensitibong salita na maaaring di maunawaan ng isipang bata- 
Ang anumang pangyayari o mga bagay bagay na nakasaad ay walang pinatatamaang sinuman ito ay isinulat lamang para makadagdag kaalaman at hindi upang makipagdebate o makipag argumento-
_____________________________________

Kailan sasapat ang kulang?
Kung ang kulang ay hindi mabilang.
Kung ang kulang ay walang kabuluhan, eh ano naman?



Marami ang maraming biyaya, ngunit di naman sapat sa kalinga. Marami ang sa salapi ay matamasa, ngunit sa pag-ibig ay dukha. 

Maraming sa talino ay lamang, ngunit wala namang pang unawa.
Maraming sa pag ibig ay lamang ngunit sa materyal na bagay ay salat naman.

Di nga ba at mas mahalaga, ang pag-ibig kaysa sa mga bagay na ngaun ay mayroon ka? Oo nga at mainam sapagkat mayaman ka, ngunit ang aking tanong sa iyo ay masaya ka ba?

Kay raming taong nais na magpaganda at maging kaaya aya ang itsura at katawan, na halos lahat ng kanilang oras at yaman ay ubusin at ilaan mapainam lamang ang kanilang kaanyuan. Ngunit di na napaglaanang pansin na ang kanilang ugali at gawa ay ayusin. Na sa ibang tao mapangit ka man sa paningin, ngunit kung ikaw ay kikilalanin ikaw pala naman ay may kagandahang bihira lamang ang nag aangkin.

Nais ng iba na maging eksperto sa kung ano ano, na walang pakiaalam kung may halaga ang mga bagay na ito. 

Marami namang tao na inibig mo at sa kanila ay ibinigay ang lahat pati ang kalinga, pagmamahal maging ang materyal na bagay, ngunit sa bandang huli itong lahat ay di parin sapat. Sapagkat kahit ano paman ang iyong gawin ay di ka nanaisin ng taong di ka nais na kaniyang naisin.

Kung marangya ang buhay mo ay mainam naman sayo, ngunit ang tanong ko, gaano ba karangya ang puso mo? 

Kung ang kaligayahan ay may katapat na salapi, magkano ang halaga upang lumigaya ka? Kung ang iyo namang kaligayahan ay may katapat na yaman, ano at gaano karaming yaman ang iyong kailangan? 

Kung ikaw ay umibig at nagparaya sa iyong kapwa, tanong ko naman ay sino ang nagmahal at sa iyo ay nagparaya? Kung ang iyo namang papaiiralin ay ang iyong awa, tanong ko naman sayo, sayo naman baga ay may tunay na naawa? O awang paimbabaw lang ang iyong nakakamtan? Na alam na alam mo naman sa sarili mo na ikaw ay niloloko at pinagsasamantalahan lamang.

Nais nila ay iba - iba, sapagkat iba - ibang tao sila. Iba ako, iba ka, iba sila, at iba ang bawat isa. Kung ako nga ay hahanapin mo sa ibang tao, malamang ay di ako ang makikita mo. At kung ikaw naman ay hahanapin ko, ikaw lamang ay nandirito, nandirito ka at di ka nawawala sa loob ng puso ko. Na may kandado na ipinasadya at ang susi ay walang iba ang may hawak kundi ikaw lamang.

Ano ba ang iyong nais na maabot at makamit? Sapagkat ang aking tanging nais ay makapiling kang higit. Ang aking puso ay nangungulila at labis na nagnanais, na sa aking buhay ay makapiling ka manlang kahit na saglit.

Saan mo nais na maging eksperto? Sapagkat ang tanging nais ko ay maging eksperto sa sarili ko. Upang aking malaman ang taglay kong lakas at kahinaan. At kung ano ang meron ka ay wala akong pakialam.

Nung ikaw ay nakatapos ng kurso mong ginugulan ng buhay at oras mong lubos, ito ba ay naging sapat upang mapawi ang iyong lungkot? 

Nang ikaw nga ay magkaroon na ng hanap buhay na iyong idinasal sa sa ating poong Ama, sapat na rin ba? Hindi ba nga't kulang pa?

Nung ikaw ay magkapamilya at naging magulang na, nakuntento ka na ba? O baka naman mas lalo pang lumalim pa ang iyong mga pagnanasang labis labis.

Nang iyong makamit lahat ng iyong nais, kagandahan, yaman, pamilya, at papuri ng mga tao sa iyong paligid, bakit ngaun nakuha mo na sila, bakit nga ba ngaun ay mas malungkot ka? 

Ano ba talaga ang sa iyo ay magpapaligaya? Ano nga ba ang kulang sa akin ay mangusap ka. Upang maging sapat ano ang iyong tinitika? Upang lumigaya ka, ano pa nga ba ang sa iyo ay kulang pa? kulang pa?  Sa akin ay mangusap ka. Kung ano ang kulang sa iyo upang maunawaan kita.

Kung ang kulang ay hindi mo malaman at hindi mo masukat, tanong ko sa iyo, ako nga ay sagutin mo, kailan nga ba magiging sapat ang mga kulang sa iyo?

-Kung nais mong makilala ang nasa likod ng akdang ito ay maaari kang magsadya sa link na ito : Learn World Lessons -

Maraming salamat at sumainyo ang pagpapala ng maykapal



No comments:

Post a Comment

Yesterday

Yesterday is a past, I put it all in the dust Yesterday is just like that  And now I'm not like that  Yesterday is my mistake  Now yeste...