Paalala-
-Patnubay ng magulang ang kailangan-
-Ang artikulong ito ay maaaring naglalaman ng mga sensitibong salita na maaaring di maunawaan ng isipang bata-
- Ang anumang pangyayari o mga bagay bagay na nakasaad ay walang pinatatamaan o tinutukoy na sinuman at ang bawat nakasaad sa akdang ito ay pawang imahinasyon lamang ng aking mapaglarong isipan at ito ay walang katotohanan -
_____________________________________
Laging pinasasalamatan ni Martha ang bawat araw na dumadaan at ang mga bagay na sa bawat araw ay nararanasan.
Ang batang ito ay may malawak na imahinasyon. Sa tuwing mag-isa si Martha ay kung anu-ano ang kaniyang mga nabubuong istorya.
Isang araw sa may maberdeng damuhan sa may ilalim ng puno ng mangga si Martha ay humiga at doon ay nakatulog na nga.
At doon ay nanaginip si Martha ng napakaganda. Si Martha daw ay isang prinsesa sa isang palasyo na napakaganda at ang buhok daw ni Martha y kulay lila at ang kanyang kasootan ay napakaganda, ang tagapagsilbi daw ni Martha ay labing lima at ang kwarto daw ni Martha ay puno ng bulaklak na magaganda. Sa lagayan ng damit ni Martha ay napakadaming damit na napakaganda at ang kaniyang palamuti sa buhok ay di na din mabilang sa dami. Ang sapatos naman sa lagayan ng sapatos ni Martha ay daan - daan na ang bilang pati na ang alahas ni Martha sa kahon ay umaapaw na.
Kapag ikaw ay nagpunta sa kusina napakaraming masasarap na pagkain ang iyong makikita sa lamesa.
Ang buong palasyo ay napakahirap na malibot abutin ka man ng isang linggo ay hindi ka matatapos. Ang karwahe na nakalaan para kay Martha ay napadami din naman. Ang hardin ng naturang palasyo ay napakalawak at talagang kay bango ng halimuyak ng hanging nagmula sa mga sari-saring bulaklak. Ang buong paligid naman ay napakaganda sa iba't - ibang kulay na nagmula sa mga bulaklak may asul, berde,pula, rosas, dilaw, lila, Puti at iba't - ibang kulay pa na lalong pinaganda ng mga iba't - ibang kulay na paru - paro na talagang kahalihalina tinggnan. Ang mga ibon ay iyong maririnig na nag - aawitan ng nga himnong kay ganda talaga. Ang mga kuneho naman sa hardin ay naghahabulan at masayang - masaya na naglalaro sa paligid.
Sa dakong kaliwa ng palasyo ay iyong makikita ang isang maliit na tulay na sa talon ng tubig ay patungo. Ang tubig dito at nakamamangha sapagkat ito ay napakadalisay.
Maya - maya pa ay may isang engkantada na lumabas at ito ay nagtanong sa kay Martha at nangusap ng ganito; Martha kamusta? Ikaw ba ay maligaya sa lugar na ito at dito ba ay nais mo na manatili para dito ka na manirahan sa piling ko? Kung ang sagot mo ay oo, ang lahat ng ito ay mapapasasaiyo at pangako ko sayo na liligaya ka ng husto samahan mo lang ako dito sa kaharian ko ay ibibigay ko ang lahat ng layaw mo. Hindi mo na kakailanganing magpagod at magtrabaho para lang sa lahat ng yaman na iyan lahat ng yan ay para sa iyo kung nanaisin mo.
Matapos na ito ay mabigkas ng diwata si Martha ay natigilan at di agad sumagot at nag - isip ng mabuti. Maya - maya pa ay ito ang sinabi ni Martha; oo nga at maganda ang lahat ng ito at sa aking tanang buhay ay hindi pa ko nakakaranas ng ganitong yaman at kaginhawahan, ngunit aanhin ko ang lahat ng ito kung wala naman itong pagkakaukulan? Samantalang sa aming maliit na tahanan bagaman ito ay kubo lamang ang aking ina at ama at ang aking mga kapatid ay aking kasama at doon kami ay masaya. Sama - sama kaming kumakain ng pagkain na nagmumula sa aming mga sariling pananim. Magkakasama kaming tumatawa sa mga usapang walang kwenta. Kapag naman malakas ang hangin at maganda ang panahon ay gumagawa ng saranggola si ama, si ina naman ay gagawa ng mga masasarap na meryenda. Ang saranggola na gawa ni ama ay aming papaliparin at pasasabayin sa hangin at sa langit ito ay aming susubukang paaabutin. Matapos naman naming maglaro kami ay mauupo sa malago at maberdeng damo sa ilalim ng puno ng mangga at doon naman namin pagsasaluhan ang aming meryenda na ginawa ni ina. Ang aking ama naman ay mamimitas ng mga bunga ng mangga. Pagkatapos naman ay kaming lahat na magkakapatid ay sasayaw at kakanta sa saliw ng musika na gawa ng kalikasan at ang mga ibong nakapaligid ay wari mo'y nakikisaya sa mga huni ng awit nila.
At sa gabi bago kami matulog ay kami ay maglilinis ng aming katawan at matapos nito kami ay makikinig sa istoryang babasahin ni ina hanggang kami ay makatulog. Bago naman matutulog ang aming ina kami ay yayakapin ni ina at hahalikan isa - isa. Kaya naman sa buhay ko ako ay wala nang mahihiling pa at hindi ko matatanggap ang yaman na iyong inaalok sa akin. Dahil mas mahalaga pa sa yaman ang aking pamilya.
Kaya naman aking hiling sayo mahal na engkantada, ako ay ibalik mo na sa aking maliit na tahanan na puno ng pagmamahalan. Aanhin ko ang yaman na ibinibigay mo kung maligalig naman ang puso ko. Samantalang wala man akong materyal na bagay na maipagmamagaling sa aking buhay maligaya naman ang aking damdamin sapagkat ang tunay sa saya ay hindi makakayang pantayan ng kahit gaano pa man karaming yaman. Ano naman ang gagawin ko sa mga yaman na iyan? Wala din naman hindi ba?
Humanga ang engkantada sa kay Martha matapos marinig ang mga paliwanag ng batang babae. Ganito ang sinabi at winika ng diwata sa kay Martha; oh Martha ako ay iyong pinahanga sapagkat alam mong pahalagahan ang tunay na biyaya. Kaya naman ngaun ikaw ay ibabalik ko na sa tunay mong pamilya na nagbibigay sayo ng tunay na ligaya. Isa, dalawa, tatlo at ikaw ay magigising na.
Pakatapos ng bilang na tatlo ang mabait na batang babae na si Martha ay nagising na at agad na umuwi sa kanilang bahay ay niyakap at hinalikan ni Martha ang kanyang ina at ama at yumakap at humalik din si Martha sa kanyang mga kapatid. Nagtataka man ang mga magulang sa reaksyon ni Martha ay nagsawalang kibo na lamang sila at niyakap nalang din nila si Martha at hinalikan at sinabi sa batang babae na mahal na mahal ka namin Martha.
O Kay sayang pagmasdan ng kanilang pamilya, salat man sa pera ngunit sa pag - ibig ay sagana. At ito ang yaman na hindi mabibilang. Ito rin ang kaligayahang walang kabayaran. Sapagkat sa pag - ibig ay walang panukat at sa ligaya ay walang kayamanang katumbas.
- Ang wakas ng kwento -
-Kung nais mong makilala ang nasa likod ng akdang ito ay maaari kang bumisita sa link na ito : Learn World Lessons -
Maraming salamat at sumainyo ang pagpapala ng maykapal
No comments:
Post a Comment